Anim na lalaking hinihinalang nasa ilalim ng impluwensya ng alak ang inaresto ng pulisya matapos sirain ang ilang life-size na estatwa ng mga superhero sa isang palaruan ng mga bata sa bayan ng Pototan, Iloilo.

Nag-viral sa social media ang video ng insidente kung saan makikitang pinatumba at winasak ang mga estatwa nina Wonder Woman, Batman, at Superman madaling araw ng Disyembre 30.

Ayon sa imbestigasyon, tinumba hanggang tuluyang maputol sa kinatatayuan ang mga fiberglass na estatwa at pinaghahampas pa umano ng anim na suspek na wala sa matinong pag-iisip dahil sa kalasingan. Tinatayang umaabot sa daan-libong piso ang halaga ng bawat estatwang nasira.

Agad namang rumesponde ang Pototan Police Station at dinakip ang mga suspek upang mahimasmasan at papanagutin sa kanilang ginawa.

Samantala, kaagad na inayos ng lokal na pamahalaan ng Pototan ang mga nasirang estatwa at muling itinayo ang mga ito sa nasabing palaruan.