Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cotabato kay Cotabato City Police Office Spokesperson, PLT Rochelle D. Evangelista, sinabi nitong naging maayos at mapayapa ang pagdiriwang ng Bagong Taon sa lungsod. Masaya niyang ibinahagi na naipagdiwang ng mga Cotabateño ang selebrasyon nang may puso at kasama ang kanilang pamilya.
Bagama’t may ilang maliit na insidente, agad-agad itong naresolba ng mga tauhan ng CCPO. Sa kabuuan, mapayapa ang lungsod sa pagdiriwang ng bagong taon. Tatlong minor vehicular incidents lamang ang naitala, at agad naayos at nasa pangangalaga na ng Traffic Management Unit. Wala namang naiulat na insidente kaugnay sa paputok, granada, o illegal na discharge ng baril.
Mahigit 150 na police personnel ang na-deploy upang masiguro ang maayos at ligtas na selebrasyon. Ayon kay PLT Evangelista, ang kanilang pangunahing layunin ay panatilihing ligtas ang mga Cotabateño, maiwasan ang anumang krimen, at maging handa sa agarang pagtugon sakaling may mga insidente, lalo na kaugnay ng firecrackers at pyrotechnics.
“Sa pagdiriwang po, una nating isipin ang kaligtasan ng bawat isa at ng ating pamilya,” ani PLT Evangelista. “Patuloy ang monitoring at patrolling ng aming mga personnel upang maiwasan ang paggamit ng illegal na paputok o pyrotechnics.”
Ang maayos na selebrasyon ngayong Bagong Taon ay patunay ng kooperasyon ng komunidad at dedikasyon ng Cotabato City Police Office, kasama ang kanilang mga partners at lokal na pamahalaan, upang matiyak na ligtas at mapayapa ang lungsod para sa lahat ng mamamayan.

















