Nasagip mula sa pagkalunod ang isang anim na taong gulang na batang lalaki matapos ang mabilis na pagresponde ng Bureau of Fire Protection sa bayan ng Datu Unsay Maguindanao del Sur
Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cotabato kay Senior Fire Officer IV Yasser Ebrahim ng BFP, sinabi niyang nagsasagawa ng rutinang pag-iikot ang kanilang mga tauhan kaugnay ng kampanya kontra ilegal na paputok nang makatanggap sila ng tawag hinggil sa insidente.
Ayon kay Ebrahim, nangyari ang pagkalunod sa ilalim ng Meta Bridge, isang lugar na karaniwang pinagliliguan ng mga bata sa komunidad. Tinatayang umabot sa 20 hanggang 30 minuto bago tuluyang matagpuan at masagip ang bata.
Agad namang nagsagawa ng rescue operation ang mga kawani ng Datu Unsay BFP na nagresulta sa matagumpay na pagliligtas sa bata. Sa video na kuha sa aktwal na operasyon, makikitang nagsagawa ng cardiopulmonary resuscitation o CPR ang isang BFP personnel upang maibalik ang paghinga ng bata.
Matapos ang paunang lunas, agad na isinugod ang bata sa Integrated Provincial Health Office (IPHO) ng lalawigan para sa masusing obserbasyon at karampatang gamutan.
Samantala, muling nagpaalala Yasser Ebrahim ng BFP sa publiko, lalo na sa mga magulang, na mahigpit na bantayan ang mga bata at iwasan ang pagligo sa mga mapanganib na lugar, gayundin ang agarang pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad sa oras ng emerhensiya o sakuna.

















