Naglabas na ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ng opisyal na listahan ng mga pangalan ng bagyo na gagamitin para sa 2026 typhoon season.

Ayon sa PAGASA, inuulit tuwing limang taon ang mga pangalan ng tropical cyclones na inaayos ayon sa alpabetong A hanggang Z, maliban sa letrang X. Para sa 2026, kabilang sa gagamiting talaan ang Set II, na huling ginamit noong 2022.

Nilinaw ng ahensya na may mga pangalang inaalis o “nire-retire” mula sa listahan kapag ang isang bagyo ay nagdulot ng ₱1 bilyon o higit pang pinsala sa mga bahay, agrikultura, at imprastraktura.

Dahil dito, hindi na muling isasama ang mga pangalang Agaton, Florita, Karding, at Paeng, na pawang mga bagyong nagdulot ng malawakang pinsala noong 2022. Ang mga ito ay papinalitan ng Ada, Francisco, Kiyapo, at Pilandok, na unang lilitaw sa listahan para sa 2026.

Narito ang kumpletong listahan ng mga pangalan ng bagyo para sa 2026:

Ada, Basyang, Caloy, Domeng, Ester, Francisco, Gardo, Henry, Inday, Josie, Kiyapo, Luis, Maymay, Neneng, Obet, Pilandok, Queenie, Rosal, Samuel, Tomas, Umberto, Venus, Waldo, Yayang at Zeny.

Samantala, ipinaliwanag din ng PAGASA na may nakahandang auxiliary names sakaling maubos ang pangunahing A hanggang Z na listahan dahil sa dami ng papasok na bagyo sa loob ng isang taon. Kabilang sa auxiliary set ang mga pangalang:

Agila, Bagwis, Chito, Diego, Elena, Felino, Gunding,Harriet, Indang at Jessa.

Patuloy namang paalala ng PAGASA sa publiko ang pagiging handa at mapagmatyag sa tuwing may binabantayang sama ng panahon, lalo na sa panahon ng tag-ulan at bagyo.

SOURCE: PAGASA COTABATO STATION