Naglabas ng pahayag ang mga MILF Sulu Political Committees, mga opisyal ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) at sectoral groups bilang pagtutol sa Resolution No. 83-2025 ng Sangguniang Panlalawigan ng Sulu, na sumasalungat sa pagsasagawa ng anumang aktibidad na may kaugnayan sa MILF at BIAF sa lalawigan.

Ayon sa grupo, ang naturang resolusyon ay umano’y nagbibigay ng maling interpretasyon sa legal na katayuan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), gayundin sa mga obligasyon ng pamahalaan na nagmumula sa mga pambansang batas at internasyonal na kasunduang pangkapayapaan na nagwakas sa matagal na armadong tunggalian sa Mindanao.

Binigyang-diin sa pahayag na ang MILF ay hindi isang pribadong armadong grupo, kundi isang kinikilalang rebolusyonaryong organisasyon at pangunahing lumagda sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) kasama ang Pamahalaan ng Pilipinas, sa harap ng internasyonal na komunidad. Ayon sa kanila, ang CAB ay isang pambansang kasunduan na nananatiling umiiral sa buong bansa, kabilang ang Sulu, at hindi maaaring balewalain ng alinmang lokal na pamahalaan.

Nilinaw rin ng grupo na ang pagkakatanggal ng Sulu sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ay hindi umano nangangahulugan ng pagkansela ng CAB o ng mga obligasyon ng estado sa Bangsamoro people. Anila, ang pakikilahok ng MILF sa mga dayalogo, konsultasyon, at gawaing pangkapayapaan ay bahagi ng proseso ng normalisasyon at hindi isang pahayag ng teritoryal na pag-aangkin.

Binanggit din sa pahayag ang Republic Act No. 11054 o Bangsamoro Organic Law, na kumikilala sa transpormasyon ng MILF bilang isang lehitimong aktor sa larangan ng pulitika at lipunan, alinsunod sa Konstitusyon. Ayon sa grupo, ang mga aktibidad tulad ng community dialogues at peace advocacy na isinasagawa nang mapayapa at walang armas ay legal at mahalaga sa proseso ng rekonsilyasyon.

Nagbabala rin sila na ang pag-uugnay sa mga gawaing ito bilang banta sa seguridad ay maaaring magdulot ng tensyon at makasira sa demokratikong espasyo, lalo na sa mga sektor sa Sulu na patuloy na sumusuporta sa adbokasiya ng kapayapaan at reporma ng MILF.

Sa huli, nanawagan ang grupo sa lahat ng antas ng pamahalaan na pairalin ang pagpipigil, bukas na dayalogo, at koordinasyon alinsunod sa Konstitusyon at sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro, upang mapanatili ang kapayapaan at maiwasan ang panibagong sigalot sa lalawigan.

Ang pahayag ay nilagdaan ng mga opisyal ng Northern at Southern Sulu Political Committees, mga kinatawan ng BIAF at Western Mindanao Front Command, gayundin ng mga sectoral at local monitoring team sa Sulu.