Arestado ang isang lalaki na may dalang baril at iligal na droga matapos itong mahuli sa isang checkpoint operation ng kapulisan sa Barangay Kangguan, Datu Piang Maguindanao del Sur.

Kinilala ng mga operatiba ang suspek na si Samsudin Saban y Ahman, 36 anyos at residente sa bayan ng Datu Salibo.

Sakay ang suspek ng isang mini van na kulay puti ng mapadaan ito sa isinasagawang checkpoint operation at napara ng mga operatiba dahil sa walang plaka ang sinasakyan nito.

Nang inspeksyunin, tumambad sa kapulisan ang isang kalibre 45 na pistola at ng hingian ito ng dokumento ay wala itong maipakita dahilan upang maaresto ang suspek.

Bukod pa sa loose firearm, nasamsam din dito ang P 3000, 000.00 na halaga ng droga bukod pa sa mga arm paraphernalia.

Patong-patong na kaso naman ang kakaharapin ng suspek at agad itong dinala sa kustodiya ng Datu Piang MPS upang harapin ang mga kaso na paglabag sa RA 9165 at RA 10591.