Dalawang lalaki, kabilang ang isang barangay chairman, ang nasawi matapos tambangan ng hindi pa nakikilalang mga armadong suspek sa Barangay Panadtaban, bayan ng Rajah Buayan, Maguindanao del Sur, bandang alas-9:40 ng umaga kahapon January 7, 2026.
Kinumpirma ng Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region na ang mga biktima ay sina Norodin Sindatukan Utto Jr., punong barangay ng Panadtaban, at ang kanyang kamag-anak na si Arto Utto Mangilala, kapwa residente ng nasabing lugar.
Batay sa paunang imbestigasyon, lulan ng motorsiklo ang dalawa at kakalabas pa lamang ng kanilang tahanan nang paulanan sila ng bala ng mga salarin na umano’y nakaabang sa gilid ng kalsada.
Tinamaan ng maraming bala ang mga biktima. Agad na binawian ng buhay si Mangilala sa mismong lugar ng insidente, habang idineklarang dead on arrival sa ospital ang barangay chairman.
Tatlong basyo ng bala na hinihinalang mula sa kalibreng 5.56 millimeter ang narekober ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng krimen. Patuloy ang masusing imbestigasyon ng Rajah Buayan Municipal Police Station upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at ang posibleng motibo sa likod ng pamamaslang sa barangay official.

















