Isang guro mula sa isang pampublikong high school sa lungsod ng Muntinlupa ang nasawi matapos biglang mawalan ng malay at mabagok ang ulo habang isinasagawa ang kanyang classroom observation nitong Miyerkules, Enero 7.

Ayon sa mga ulat, habang nagtuturo sa harap ng kanyang mga estudyante at kasamang mga observer, nakaranas ang guro ng matinding hilo at tuluyang bumagsak sa loob ng silid-aralan. Kaagad siyang dinala sa ospital, ngunit idineklarang wala na itong buhay makalipas ang ilang oras.

Kinumpirma ng Teachers’ Dignity Coalition ang insidente at ipinahayag ang pakikiramay sa pamilya ng guro, habang nananawagan sa DepEd na suriin ang mga patakaran sa classroom observation upang masiguro ang kaligtasan at kalusugan ng mga guro.

Sa opisyal naman na pahayag ng Schools Division Office ng Muntinlupa, ipinaabot nila ang taos-pusong pakikiramay sa pamilya ng guro. Ayon sa kanila, pinapahayag rin ng buong komunidad ng paaralan ang kanilang suporta sa pamilya sa panahong ito ng matinding kalungkutan.

Hinihikayat ng Schools Division Office ang lahat na igalang ang pribadong panahon ng pamilya at samahan ang komunidad sa pag-alala at pagpupugay sa legasiya at kontribusyon ng guro sa edukasyon at sa buhay ng kanyang mga estudyante.

Sa kasalukuyan, nakikipag-ugnayan ang DepEd Muntinlupa sa pamilya at isinasagawa ang masusing imbestigasyon upang matukoy ang tiyak na dahilan ng insidente at maibigay ang nararapat na tulong.