Iniulat ng National Capital Region Police Office na apat na indibidwal ang naitala na namatay kaugnay ng Traslacion ng Poong Hesus Nazareno ngayong taon, mula Enero 9 hanggang Enero 10.
Ayon kay NCRPO Director Major General Anthony Aberin, batay sa paunang ulat, may apat na nasawi, subalit patuloy pa ang beripikasyon ng mga detalye.
Kabilang sa mga naiulat na namatay ang isang 55-anyos na photojournalist na na-collapse sa Manila Police District Ermita Station malapit sa Quirino Grandstand, ilang oras bago magsimula ang prusisyon.
Dalawa pang pagkamatay ang iniulat habang isinasagawa ang Traslacion, ngunit hindi agad inilabas ng pulisya ang karagdagang detalye.
Samantala, ayon sa Jose R. Reyes Memorial Medical Center, tatlo sa mga pasyenteng isinugod sa ospital sa kasagsagan ng prusisyon ang binawian ng buhay. Sa ngayon, hindi pa malinaw kung tumutugma ang bilang ng ospital sa tala ng NCRPO.
Matatandaan na ang Traslacion ng Poong Nazareno mula Quirino Grandstand patungong Quiapo Church ay tumagal ng mahigit 30 oras, mula alas-4 ng umaga ng Enero 9 hanggang alas-10:50 ng umaga ng Enero 10, na itinuturing na pinakamahabang Traslacion sa kasaysayan.
Patuloy ang koordinasyon ng mga awtoridad upang matiyak ang eksaktong bilang at sanhi ng mga nasawi.

















