Nasamsam ng Bureau of Customs–NAIA, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group, ang mga hinihinalang ilegal na droga na nagkakahalaga ng mahigit ₱114.5 milyon noong Enero 8, 2026.

Photos by BOC-PH

Ayon sa BOC, idineklara ang kargamento bilang malachite stones at nagmula umano sa Congo. Gayunman, nakitaan ito ng kahina-hinalang imahe sa X-ray scanning kaya agad isinailalim sa masusing beripikasyon at pisikal na inspeksiyon.

Photos by BOC-PH

Sa pagsusuri, natuklasan ang apat na kahon na naglalaman ng mga hinihinalang ilegal na droga na may kabuuang bigat na 16,848 gramo. Ang bawat kahon ay may magkakaibang timbang na umabot sa mahigit apat na kilo bawat isa.

Isinagawa ang operasyon bilang bahagi ng direktiba ng administrasyon na paigtingin ang pagbabantay sa mga hangganan ng bansa upang pigilan ang pagpasok ng ipinagbabawal na droga at labanan ang mga transnational na krimen.

Photos by BOC-PH

Pormal na isinuren­der sa PDEA ang mga nasabat na ebidensiya at mga sangkot na indibidwal para sa karagdagang imbestigasyon at kaukulang kaso. Maaaring kaharapin ng mga sangkot ang paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at Customs Modernization and Tariff Act.

Binigyang-diin ng pamunuan ng Bureau of Customs na patuloy nilang paiigtingin ang inspeksiyon at koordinasyon sa iba’t ibang ahensya upang masiguro ang kaligtasan ng publiko at mapanatili ang integridad ng mga hangganan ng bansa.