Maaaring mabuo ang isang low pressure area (LPA) sa timog-silangan ng Mindanao ngayong Lunes, Enero 12, at posibleng pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Martes, Enero 13.

Ayon sa PAGASA, may posibilidad na lumakas ito bilang tropical depression sa Huwebes, Enero 15, at bibigyan ng pangalang “Ada.” Inaasahang mananatili ang sistema sa silangang bahagi ng Eastern Visayas hanggang Biyernes.

Sa darating na weekend, maaaring manatili ito sa silangan ng Bicol Region o tumawid sa Southern Luzon, bago kumurba pa-hilagang-silangan patungong Central Luzon habang nakikipag-interact sa Shear Line. Bagamat patuloy ang pagmamasid, wala pang tiyak na galaw ang bagyo, lalo na sa weekend.

Samantala, patuloy na nararamdaman ang epekto ng Amihan sa Northern at Central Luzon, habang ang Shear Line ay nagdudulot ng katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan sa Cagayan Valley at Aurora.

Simula sa Huwebes, posibleng makaranas ng kalat-kalat na pag-ulan ang Caraga at Eastern Visayas, na inaasahang tatamaan rin ang Bicol at ibang bahagi ng Visayas pagsapit ng Biyernes. Depende sa landas ng posibleng bagyo, may posibilidad na lumawak ang mga pag-ulan sa mas malaking bahagi ng Luzon sa weekend.

Kaugnay nito, nagpapaalala ang PAGASA sa publiko tungkol sa posibleng pagbaha at landslide, lalo na sa mga mabababang lugar at kabundukan.

Sa Metro Manila, inaasahang magiging maulap ang panahon na may panaka-nakang araw at mahihinang pag-ulan. Subalit, posibleng maging maulan ang weekend kung tatawid ang sama ng panahon patungong Luzon.