Dalawang lalaki ang nasawi matapos silang pagbabarilin sa Barangay Kapinpilan, Ampatuan, nitong Enero 12, 2026, bandang 7:40 ng gabi. Ayon kay Lt. Col. Jopy Ventura, PNP BARMM Spokesperson, kabilang sa mga biktima si Datu Hamsa M. Kindo, kilala bilang “Kumander Twabak,” 46 taong gulang, at si Mohammad Acob, 44, parehong magsasaka at miyembro ng MILF 118th Base Command. Pareho silang residente ng nasabing barangay.
Nagresponde sa insidente ang mga tauhan ng Ampatuan Municipal Police Station sa pangunguna ng Chief of Police, kasama ang personnel mula sa 2nd PMFC, MDSPPO, at Charlie Company ng Philippine Army. Natagpuan si Kindo na nakahiga sa driver seat ng kanyang puting minivan, habang si Acob ay nakahiga sa labas ng sasakyan na may tama ng bala. Agad silang dinala sa Integrated Provincial Health Office Hospital ngunit idineklara ng doktor na patay na pareho.
Personal na bumisita si PCOL Sultan Salman H. Sapal, Provincial Director ng MDSPPO, sa ospital upang tingnan ang kalagayan ng mga biktima, habang ang ibang pulis ay nanatili sa crime scene para sa paunang imbestigasyon at seguridad.
Batay sa paunang imbestigasyon, habang bumibiyahe ang mga biktima mula sa kanilang kampo patungo sa Sitio Bliss, Brgy. Kapinpilan, at nasa tabi ng national highway, sila ay binaril ng hindi pa nakikilalang suspek. Dahil dito, nawalan ng kontrol ang sasakyan at bumangga sa isang puno.
Inihatid ng Ampatuan MPS at 2nd PMFC ang mga labi ng biktima pabalik sa kanilang kampo kung saan tinanggap ang mga ito ni Sahabudin S. Hadji Esmael, kapatid ni “Kumander Twabak,” para sa paglibing alinsunod sa mga paniniwala ng Islam. Sa lugar ng insidente, nakita rin ang ilang kagamitan tulad ng mga baril, bala, at magazine pouch na naiwan sa scene.
Ayon pa kay Lt. Col. Ventura, agad na iniulat ng Ampatuan MPS ang insidente sa Provincial Tactical Operations Center ng Maguindanao del Sur upang alertuhin ang kalapit na mga Municipal Police Stations para sa posibleng pag-aresto sa suspek. Nakipag-ugnayan din ang pulisya sa Provincial Forensic Unit para sa masusing crime scene investigation.
Hanggang sa kasalukuyan, wala pang natukoy na suspek o motibo sa ambush. Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang dahilan at makulong ang responsable sa krimen.

















