Isang malaking tagumpay ang naitala ng Cotabato City Police Office nitong January 13, 2026 nang madakip nila ang isa sa Top 10 Most Wanted Persons ng lungsod. Ang operasyon ay isinagawa sa San Jose Street, Mother Barangay Tamontaka matapos makatanggap ng tip mula sa isang mapagmalasakit na residente.
Ang suspek, kilala sa alyas na “Pahima”, ay nasa hustong gulang, may asawa, at matagal nang nakalista sa wanted list ng Cotabato City. Ayon sa ulat, nahaharap siya sa kaso kaugnay ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, na may nakatalagang piyansa na ₱200,000.00.
Agad na dinala ang suspek sa kustodiya ng Cotabato City Police Office para sa tamang proseso ng dokumentasyon at legal na disposisyon.
Pinuri ni Police Brigadier General Jaysen C. De Guzman, Regional Director ng PRO BAR, ang mabilis at maayos na aksyon ng mga pulis sa operasyon. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng aktibong pakikipagtulungan ng komunidad sa tagumpay ng mga pulisya at ang tuloy-tuloy na kampanya laban sa krimen sa lungsod.
















