Nagsagawa ng kanilang taunang New Year’s Call ang 6th Infantry (Kampilan) Division ng Philippine Army noong Enero 13, 2026 sa Camp Siongco, bilang pormal na pagbubukas ng taon at upang pagtibayin ang pagkakaisa sa pamumuno, propesyonalismo, at sama-samang pagtupad sa tungkulin.
Pinangunahan ang aktibidad ni Major General Jose Vladimir Cagara, Commander ng 6ID at ng Joint Task Force Central, na dinaluhan ng mga opisyal mula sa division staff, brigade, battalion at post unit commanders, mga group commander ng Reserve Component Development Group, at mga senior non-commissioned officers.

Kabilang sa mga dumalo sina Brigadier General Patricio Ruben P. Amata, Assistant Division Commander; Colonel Ruben Aquino, Assistant Division Commander for Reservist and Retiree Affairs; at Colonel Manuel Leo G. Gador, Chief of Staff ng dibisyon, kasama ang iba pang mga opisyal at pangunahing kawani ng yunit.
Dumalo rin sa aktibidad si Colonel Manny D. Pacquiao, PA (RES), Officer-in-Charge ng 2203rd Ready Reserve Infantry Brigade.
Ayon sa militar, ang New Year’s Call ay isang matagal nang tradisyon na nagsisilbing pagkakataon upang muling pagtibayin ang disiplina, propesyonalismo, at kahandaan ng mga kawal sa mga tungkuling haharapin sa buong taon sa Central Mindanao.
Sa parehong okasyon, pinangunahan ni Maj. Gen. Cagara, sa tulong ni Col. Gador, ang donning of ranks ceremony para sa mga bagong na-promote na senior officers, bilang pormal na pagkilala sa kanilang promosyon at patuloy na ambag sa misyon ng Philippine Army.
Nagtapos ang aktibidad na may panibagong diwa ng pagkakaisa at layunin, habang muling iginiit ng Kampilan Division ang kanilang paninindigan sa pagpapanatili ng kapayapaan, seguridad, at serbisyo para sa mamamayang Pilipino.


















