Bahagyang lumakas ang Tropical Depression #AdaPH habang patuloy na kumikilos sa silangan ng Mindanao.

Ayon sa huling tala, namataan ang sentro nito sa layong 385 kilometro silangan-hilagang silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur, o 465 kilometro silangan ng Surigao City, Surigao del Norte. Taglay ng bagyo ang maximum sustained winds na 55 km/h malapit sa sentro at pagbugso ng hangin hanggang 70 km/h. Kumikilos ito pa-northwest sa bilis na 20 km/h, na may malalakas na hanging umaabot hanggang 400 kilometro mula sa sentro.

Nasa ilalim ng Signal No. 1 ang ilang bahagi ng Luzon, Visayas, at Mindanao, kabilang ang Sorsogon, Eastern Samar, Northern Samar, at Surigao provinces.

Inaasahang dadaan si Ada malapit sa Eastern Samar at Northern Samar sa Biyernes o Sabado ng madaling araw. Pagkatapos nito, posibleng lumapit sa Catanduanes sa Linggo ng umaga bago lumihis pa-hilagang hilagang-silangan sa Lunes.

Gayunpaman, kung bahagyang magbabago ang direksyon nito pakanluran, posible ring mag-landfall si Ada sa Eastern Visayas at Bicol Region.