Huli na sa batas ang isang 40-anyos na Chinese businesswoman sa Davao City matapos ang matagal na paghahanap ng Philippine National Police (PNP) dahil sa kasong Batas Pambansa Blg. 22.
Noong Enero 13, 2026, bandang 8:28 ng gabi, isinagawa ng Sasa Police Station 4 ang Warrant of Arrest sa KM 9, Paradise Road, Sasa, Davao City. Ang warrant ay inisyu ng Metropolitan Trial Court, Branch 3, Manila, noong Setyembre 1, 2025, kaugnay ng apat na kaso laban sa kanya, bawat isa may rekomendadong piyansa na ₱120,000.
Ayon kay PNP Acting Chief, Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr., malinaw ang mensahe ng PNP: “Hindi papayagan ng PNP ang mga takas sa batas na mamuhay nang komportable habang nakabinbin ang kaso. Sisiguraduhin naming naipatutupad ang bawat utos ng korte.”
Ang operasyon ay bahagi ng Focused Agenda ng PNP, kung saan pinatitibay ang paghahanap sa mga fugitives at implementasyon ng warrants upang mapanagot ang may sala sa korte sa lalong madaling panahon.

















