Matinding operasyon laban sa iligal na pangingisda, nahuli ng Philippine National Police (PNP) sa pamamagitan ng Enhanced Managing Police Operations (EMPO) ang anim na mangingisda at nasamsam ang kanilang mga kagamitan sa pangingisda sa Sablayan, Occidental Mindoro bilang malinaw na babala na hindi pinapahintulutan ang paglabag sa batas at pang-aabuso sa likas na yaman ng bansa.
Sa ganap na alas-4:30 ng umaga, isinagawa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Provincial Field Unit, katuwang ang Sablayan Municipal Police Station at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), ang nakatutok na operasyon sa karagatan ng Barangay Sta. Lucia I.
Dahil dito, naaresto ang anim na lokal na mangingisda at nakumpiska ang isang bangka, mga fine mesh nets, at bagong huling isda. Lahat ng nahuling suspek ay mga adultong Filipino residente ng Sablayan at gumagamit ng ilegal na fine mesh nets, isang paglabag sa Section 93 ng Republic Act No. 10654, batas na naglalayong protektahan ang karagatan ng Pilipinas laban sa iligal, hindi naiulat, at hindi reguladong pangingisda.
Ayon sa PNP, bahagi ang hakbang na ito ng OPLAN KALIKASAN ng CIDG, na nakahanay sa core value ng PNP na Makakalikasan, at nagpapakita ng seryosong pangako ng organisasyon sa pangangalaga ng likas na yaman ng bansa.
“Sa pamamagitan ng ganitong mga operasyon, ipinapakita ng PNP ang seryosong pagtutok sa pagpapatupad ng batas at pangangalaga sa kalikasan, habang pinapangalagaan rin ang kapakanan ng komunidad,” ayon kay PLTGEN Nartatez.
Pinapaalalahanan din ng PNP ang publiko na maging mapagmatyag at i-report ang anumang iligal na gawain sa kanilang lugar upang agad na maaksyunan.
Ang operasyon na ito ay sumasalamin sa bisyon ng Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman, na nagpapakita ng isang puwersang pulis na responsive, tapat, at ramdam ng komunidad.

















