Isang lalaki ang naaresto matapos ma-involve sa isang shooting incident sa Seawind Condominium, Km. 11, Sasa, Davao City, bandang alas-9:45 ng gabi ng Enero 15, 2026.
Ayon sa inisyal na ulat, nagtagpo sa swimming pool area ng Tower 1 ang pamilya ng biktima na si Ricky, 46 anyos, autoshop owner at residente ng Tower 2, at ang pamilya ng suspek na si Joseph, 46 anyos, residente ng Tower 4.
Batay sa testimonya ni Raymon T., head security ng Seawind, nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang dalawang pamilya dahil sa isyu ng kanilang mga anak. Sa gitna ng alitan, biglang hinugot ng suspek ang kanyang baril at pinaputukan si Ricky sa kanang braso.
Agad na dinala ang biktima sa Southern Philippines Medical Center (SPMC) upang mabigyan ng agarang medikal na atensyon. Samantala, sumuko ang suspek sa security guard at tumawag sa 911 para magpa-abot sa mga pulis.
Sa imbestigasyon ng Sasa Police Station (PS4), hindi nakitang may empty shell sa lugar, ngunit isinumite ng asawa ng suspek ang baril na ginamit, isang Medallion Ed Brown .45 caliber pistol.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya ng pulisya ang suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng kaso. Patuloy rin ang imbestigasyon upang matukoy ang pinagmulan at ugat ng alitan.

















