Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente ng pamamaril at pananaga sa Purok Sampaguita, Brgy. Moloy, Surallah, na kinasasangkutan ng isang retiradong pulis, anak nito, at dalawa pang iba.
Ayon kay PLtCol. Josef Jancon Clarete, Chief of Police ng Surallah PNP, bandang alas-12:35 ng tanghali, ang retiradong pulis na si Diosdado, 67 anyos, kasama ang kanyang anak, ay duguan na dumulog sa Surallah MPS upang isuko ang isang homemade caliber .45 pistol at isang bolo. Agad silang dinala sa ospital para sa agarang medikal na atensyon.
Ngunit bandang ala-1:00 ng hapon, isang concerned citizen ang nag-ulat sa pulisya ng pamamaril sa parehong lugar. Agad na rumesponde ang patrol team at duty investigator para i-verify ang insidente. Nakilala ang nasawing biktima na si Angel Baleña Solomon, 42 anyos, magsasaka at residente ng Purok Sampaguita.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumabas na si Diosdado ang umano’y bumaril kay Angel matapos ang mainit na pagtatalo na may kaugnayan sa lupa at personal na alitan. Sa kalagitnaan ng insidente, isang alyas Dolpo naman ang nanaga sa pulis at sa kanyang anak, na nagdulot ng malubhang sugat sa dalawa.
Boluntaryo ding sumuko si alyas Dolpo sa pulisya. Napag-alaman din na ang isinukong bolo at homemade pistol ng mag-ama ay pag-aari umano ng nasawing si Angel Solomon.
Sa kasalukuyan, patuloy na ginagamot ang mga sugatan habang inihahanda ang kaso laban sa mga suspek. Pinayuhan rin ng opisyal ang publiko na manatiling kalmado at iwasan ang anumang karahasan upang hindi matulad sa nangyaring insidente.

















