Naglunsad ng sunod-sunod na operasyon ang Philippine National Police (PNP) na nagresulta sa pagkaaresto ng 11 kataong kabilang sa listahan ng mga most wanted at pagkakasamsam ng ilegal na droga na nagkakahalaga ng mahigit ₱18.8 milyong piso, mula January 14 hanggang madaling-araw ng January 15, 2026.

Ayon sa PNP, ang mga operasyon ay isinagawa sa iba’t ibang panig ng bansa at naglalayong sugpuin ang kriminalidad at ilegal na droga bilang bahagi ng pinaigting na kampanya sa pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan ng publiko.

Sa Cebu, dalawang suspek ang nadakip, kabilang ang isang Top 10 Most Wanted sa national level, na may mga kasong qualified theft at forcible abduction with rape. Samantala, isang Top 7 Regional Most Wanted ang naaresto sa Romblon dahil sa paglabag sa RA 10883 o Anti-Carnapping Law.

Apat pang regional most wanted persons ang nasakote sa Batangas, Cavite, at Laguna, na may mga kasong statutory rape, rape, at paglabag sa RA 10883. Sa Bukidnon, naaresto ang isang Top 3 Most Wanted dahil sa maraming bilang ng kaso ng panggagahasa, habang sa Bataan naman ay nadakip ang isang Top 4 Most Wanted dahil sa paglabag sa batas laban sa ilegal na droga. Dalawang Top 1 Most Wanted sa Batangas City ang boluntaryong sumuko kaugnay ng kasong kidnapping with homicide.

Bukod sa kampanya kontra krimen, nakapagtala rin ang PNP ng malalaking tagumpay sa anti-illegal drugs operations. Sa Cebu City, isang high-value individual (HVI) ang naaresto sa buy-bust operation kung saan nasamsam ang halos isang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱6.8 milyon. Sa Iloilo, dalawang magkahiwalay na operasyon ang nagresulta sa pagkakasamsam ng 410 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱2.8 milyon, at 955 gramo ng shabu na may halagang ₱6.5 milyon sa bayan ng Sara.

Sa Negros Occidental, limang suspek ang naaresto, isang 17-anyos na CICL ang nasagip, at nasamsam ang 140 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng halos ₱952,000. Samantala, sa mga anti-marijuana operations sa Kalinga at Pampanga, nabunot ang humigit-kumulang 3,600 puno ng marijuana at nasamsam ang 712 gramo ng marijuana, na may kabuuang halagang ₱1.78 milyon.

Ayon kay PNP Acting Chief PLtGen Jose Melencio C. Nartatez Jr., ang mga operasyong ito ay patunay ng matatag na determinasyon ng pulisya na protektahan ang mga pamilya at komunidad laban sa krimen at ilegal na droga. Binigyang-diin niya na ang bawat pag-aresto at bawat drogang nasasamsam ay direktang hakbang para sa mas ligtas na mga barangay at mas maayos na kinabukasan ng mamamayan.

Dagdag pa ng PNP, ang mga tagumpay na ito ay kaakibat ng pagsuporta sa bisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa isang ligtas at maayos na lipunan, alinsunod sa paninindigan ng organisasyon sa adbokasiyang: “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”