Naglunsad ng malawakang manhunt operation ang Tulunan Municipal Police Station laban sa isang security guard na kilala sa alyas na “Will”, matapos itong iturong pangunahing suspek sa brutal na pagpatay sa isang babae sa loob ng library ng Minapan High School.

Kinilala ang biktima na si Mary Ann, 26-anyos, ay natagpuang nakahandusay at wala nang buhay. Ayon sa isinagawang post-mortem examination, ang sanhi ng pagkamatay ay suffocation, ngunit patuloy pang iniimbestigahan kung paano eksaktong pinatay ang biktima.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cotabato kay PMAJ Rolando Longakit Dillera Jr., OIC ng Tulunan MPS, napag-alaman na ang suspek ay isa sa mga security guard ng paaralan at may relasyon di umano sa biktima.

Noong Miyerkules ng hapon, sinundo pa umano ng suspek ang biktima sa kanilang bahay at dinala sa paaralan. Sa lugar ng insidente, narekober ang twalya na ginamit sa pagtakip sa labi ng biktima at ang aso ng suspek na naiwan sa labas ng library. Ayon sa imbestigasyon, kinaumagahan ng Huwebes bandang alas-6, kinausap pa umano ng suspek ang kanyang anak para kunin ang motor nito sa Población Tulunan.

Mabilis na tumakas ang suspek matapos ang insidente. Tinitingnan ng mga awtoridad ang posibleng motibo ng krimen, na maaaring kaugnay sa pag-aaway ng magkasintahan ng gabi bago ang insidente.

Nanawagan naman ang pulisya sa publiko na makipag-ugnayan agad sa pulisya kung may impormasyon o kahina-hinalang kilos upang mas mapabilis ang imbestigasyon at maiwasan ang iba pang sakuna.