Ayon sa isang opisyal na pahayag nitong Enero 14, 2026, muling inihayag ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang kanilang suporta sa pagsasagawa ng kauna-unahang BARMM Parliamentary Election sa 2026.
Gayunpaman, ipinahayag ng MILF ang kanilang malalim na pagkabahala sa pagpasa ng districting bill ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) Parliament, batay sa Parliament Bill No. 415 na may pamagat na “An Act Providing for the Apportionment of Parliamentary District Representative Seats in the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.” Ayon sa MILF, hindi nito naipakita ang hinaing ng mga mamamayang Bangsamoro para sa makatarungan at pantay na representasyon.
Binanggit din ng MILF na ang panukalang batas ay naglalaman ng mga seryosong isyu sa konstitusyon, na kahawig ng mga depekto na naging dahilan upang ideklara ng Supreme Court na hindi konstitusyonal ang Bangsamoro Autonomy Act No. 77. Kabilang sa mga suliranin ang posibleng paglabag sa mga pamantayan ng Bangsamoro Organic Law para sa mga distrito, gaya ng contiguity, compactness, adjacency, at population distribution.
Higit pa rito, ayon sa MILF, ang batas ay hindi iginagalang ang umiiral na hangganan at binabalewala ang historical at shared cultural origins, na paulit-ulit na binigyang-diin sa mga pampublikong konsultasyon.
Nanawagan ang MILF sa publiko na aktibong makilahok sa mga dialogue at maging mapagbantay. Anila, ang paglipat ng BARMM sa ganap na awtonomiya ay nangangailangan ng mga batas na walang kapintasan, na inuuna ang rule of law kaysa sa kaginhawaan o bilis ng pagpasa.
Nagpahayag din ng pasasalamat si MILF Chairman Al Haj Murad Ebrahim, sa ngalan ng Central Committee sa mga kasamahan sa BTA Parliament na nanindigan sa posisyon at prinsipyo ng MILF. Binigyang-diin niya ang pag-asa na manaig ang matagal na ipinaglaban na awtonomiya ng Bangsamoro at nawa’y patuloy na gabayan ng Allah ang buong komunidad para sa mas malakas at nagkakaisang Bangsamoro.

















