Walang nakaligtas sa 41 batang lalaki na namatay matapos sumailalim sa tradisyonal na circumcision bilang bahagi ng kanilang initiation rites o seremonya sa South Africa.
Nangyari ang mga insidente mula Nobyembre hanggang Disyembre 2025. Ang nasabing tradisyon ay patuloy na isinasagawa ng ilang ethnic groups sa Africa, partikular sa Xhosa, Ndebele, Sotho, at Venda.
Sa ritwal na ito, dinadala ang mga kabataan sa mga initiation schools upang turuan sila tungkol sa tradisyon, prinsipyo, at mga obligasyon bilang kabataang nasa tamang edad para rito.
Dahil sa mga kamatayan, ipinatupad ng Gobyerno ng South Africa ang batas na nag-uutos na lahat ng initiation schools ay dapat mairehistro.
Ayon kay Velenkosini Hlabisa, Minister of Traditional Affairs ng South Africa, ang 41 na namatay sa summer initiation ng 2025 ay resulta ng kapabayaan ng ilang initiation schools, kabilang na ang mga rehistrado.
Binanggit din ni Hlabisa na maraming maling paniniwala sa bansa, lalo na sa ilang etnikong grupo, tulad ng hindi pag-inom ng tubig dahil pinaniniwalaang makakapagpabagal ito sa paggaling ng sugat.
Dagdag pa niya, 41 katao na rin ang dinakip ng mga awtoridad dahil sa pagpapatakbo ng illegal initiation schools, kabilang ang mga magulang na nagsumite ng maling edad ng kanilang mga anak upang makasali sa ritwal.
Ayon sa batas ng South Africa, ang mga kabataang 16 taong gulang pataas lamang ang pinapayagang sumailalim sa initiation schools.

















