Arestado ang apat na high value individual o HVI sa isang buy-bust operation na isinagawa sa Barangay Consolacion, Panabo City, Davao del Norte, noong madaling araw ng Enero 17, 2026. Pinangunahan ang operasyon ng PDEA XI-DNPO sa pamumuno ni IA III Julius A. Magdadaro, katuwang ang Panabo City Police Station sa ilalim ng direktang superbisyon ni PLTCOL Dexter R. Cuevas, COP, 2nd DNPMFC, pati na rin ang Coastguard Intelligence Southern Mindanao at Coastguard Station Davao del Norte.

Ang mga naarestong suspek ay sina Alias “Agaw,” 27 anyos, residente ng Brgy. Consolacion, Panabo City at itinuturing na maintainer ng drug den; Alias “Tasyo,” 30 anyos, naninirahan sa Brgy. Alejal, Carmen, Davao del Norte at empleyado ng operasyon; Alias “Ray,” 22 anyos, residente rin ng Brgy. Consolacion, Panabo City at bisita lamang sa drug den; at Alias “James,” 19 anyos, residente ng parehong barangay at bisita rin sa nasabing lugar. Nahuli ang mga ito habang nagbebenta ng iligal na droga sa isang undercover poseur buyer.

Nakuha mula sa kanila ang siyam na sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na humigit-kumulang 16 gramo, na may tinatayang halaga na Php 108,800. Agad na pinaalalahanan ang mga suspek sa kanilang mga karapatang pantao at dinala sa PDEA Regional Office 11 kasama ang nakumpiskang ebidensya para sa wastong pagproseso.

Nanawagan ang PDEA at pulisya sa lahat ng residente ng Panabo City na manatiling mapagmatyag at alerto, at i-report agad ang anumang kahina-hinalang tao o aktibidad upang mapanatili ang katahimikan at kaayusan sa kanilang komunidad.