Nagsagawa ang tropa ng 601st Infantry (Unifier) Brigade sa ilalim ng 6th Infantry (Kampilan) Division, Philippine Army, sa pakikipag-ugnayan sa iba pang ahensya ng pamahalaan, ng aerial leaflet dropping noong Enero 18, 2026 sa ilang lugar sa Maguindanao del Sur. Layunin ng operasyon na abutin ang mga lugar na pinaniniwalaang pinagtataguan ng natitirang kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Dawlah Islamiya Hasan Group.

Ayon kay Brigadier General Edgar L. Catu, PA, Commander ng 601st Infantry Brigade, bahagi ito ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na isulong ang kapayapaan at kaayusan hindi lamang sa Maguindanao del Sur kundi sa buong rehiyon ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), gamit ang mapayapang pamamaraan. Aniya, ang leaflet dropping ay seryosong panawagan sa mga natitirang kasapi ng BIFF-Bungos faction at Dawlah Islamiya Hasan Group na magbalik-loob sa pamahalaan, isuko ang kanilang mga armas, at samantalahin ang mga programang handog ng pamahalaan upang makapagsimula ng bagong buhay kasama ang kanilang pamilya.

Layunin din ng aktibidad na maiparating sa mga apektadong komunidad ang sapat na impormasyon tungkol sa mga mapayapang hakbang ng pamahalaan, at mapalakas ang kamalayan na bukas ang gobyerno sa reintegrasyon at tulong para sa mga nagnanais magbagong-buhay.

Samantala, sinabi ni Major General Jose Vladimir R. Cagara, PA, Commander ng Joint Task Force Central at 6th Infantry Division, na isinagawa ang operasyon nang may lubos na pagsasaalang-alang sa kaligtasan ng mga sibilyan at alinsunod sa umiiral na batas at patakaran. Hinihikayat niya ang natitirang miyembro ng BIFF at Dawlah Islamiya na sumuko upang mabigyan ng pagkakataong mamuhay kasama ang kanilang pamilya. Pinapaalalahanan din ang publiko na makiisa sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa Maguindanao del Sur upang matiyak ang ligtas at payapang pamumuhay sa buong BARMM.