Suspendido simula ngayong Lunes, Enero 19 hanggang Linggo, Enero 26, 2026, ang pagtanggap ng parcel deliveries, pagpasok ng habal-habal drivers, at pagsasagawa ng mga recreational activities tulad ng jogging, walking, at pagtakbo sa loob ng Bangsamoro Government Center (BGC) grounds.
Ayon sa paabiso ng BARMM government sa kanilang Facebook page, ang hakbang ay bahagi ng puspusang paghahanda sa pagdiriwang ng ika-7 Bangsamoro Foundation Day. Layunin ng suspensyon na masiguro ang seguridad at maayos na daloy ng mga aktibidad sa loob ng BGC habang dadami ang mga bisita at dadalo sa selebrasyon na tatagal ng isang linggo.
Pinayuhan ang mga empleyado ng regional government na kunin ang kanilang mga parcel sa itinakdang lugar sa labas ng BGC gates. Tanging mga motorsiklo ng mga BGC employees lamang ang papayagang makapasok sa loob ng grounds.
Magpapatupad din ang BGC ng mahigpit na security checkpoints sa bawat lagusan ng lugar, at pinapayuhan ang mga motorista na maging maingat at pasensyoso dahil inaasahang magdudulot ng mabagal na trapiko ang selebrasyon sa Governor Gutierrez Avenue at sa paligid ng BGC grounds.
Sa huli, umaasa ang BARMM government na makikiisa ang sambayanan sa selebrasyon ng ika-pitong taon ng pagkakatatag ng BARMM government.

















