Bahagyang bumagal ang pagbaba ng presyo sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) noong Disyembre 2025, naitala sa –1.0 porsyento kumpara sa –1.4 porsyento noong Nobyembre 2025, ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority-BARMM (PSA-BARMM) na inilabas noong nakaraang linggo. Mas mababa rin ang tala ng Disyembre 2025 kumpara sa 1.6 porsyentong inflation noong Disyembre 2024, na nagpapakita ng pagbabago mula sa pagtaas ng presyo noong nakaraang taon patungo sa kabuuang pagbaba ng presyo ngayong taon.
Ayon kay Engr. Akan, Officer-in-Charge Regional Director ng PSA-BARMM, tatlong pangunahing kategorya ng produkto ang nakaapekto sa acceleration ng inflation sa Disyembre 2025. Ang pagkain at non-alcoholic beverages ay bumaba ng mas mabagal na –2.6 porsyento kumpara sa –3.3 porsyento noong Nobyembre. Samantala, ang presyo sa restaurants at accommodation services ay tumaas sa 2.9 porsyento mula 1.8 porsyento, at ang housing, tubig, kuryente, gas, at iba pang fuel ay tumaas sa 0.7 porsyento mula 0.3 porsyento.
Ipinaliwanag naman ni Edward Donald Eloja, Chief ng Statistical Operations and Coordination Division ng PSA-BARMM, na ang negatibong inflation ay may direktang epekto sa kakayahan ng mamimili. Ayon sa kanya, dahil mas mababa ang presyo kaysa noong nakaraang taon, mas marami nang produkto ang kayang bilhin ng mga residente.
Sa pambansang antas, tumaas ang inflation sa Pilipinas sa 1.8 porsyento noong Disyembre 2025 mula 1.5 porsyento noong Nobyembre, samantalang nanatiling nasa deflation ang BARMM. Sa Cotabato City, bumagal ang pagbaba ng presyo sa –1.3 porsyento mula –1.5 porsyento. Sa iba pang probinsya ng BARMM, tumaas ang inflation sa Basilan sa 0.4 porsyento mula 0.2, bumaba sa Lanao del Sur sa –0.7 porsyento mula –1.4, sa Maguindanao sa –2.5 porsyento mula –3.3, sa Sulu sa 0.8 porsyento mula 0.5, at sa Tawi-Tawi sa –1.0 porsyento mula 0.0.

















