Sa layuning palakasin ang kapayapaan at seguridad sa lalawigan, isinagawa ng Tactical Operations Group 12 (TOG 12) ng Philippine Air Force, katuwang ang 601st Infantry Unifier Brigade ng Philippine Army, ang aerial leaflet dropping sa 25 barangay sa Maguindanao del Sur.

Gamit ang S70i Blackhawk helicopters ng 205th Tactical Helicopter Wing, ipinamigay ang mga leaflets bilang bahagi ng tuloy-tuloy na Information Operations na nakatuon sa mapayapang pakikipag-ugnayan sa mga miyembro ng lokal na grupong terorista. Layunin ng kampanya na hikayatin ang mga ito na sumuko, bumalik sa ilalim ng batas, at piliin ang landas tungo sa kaligtasan, pagkakasundo, at normal na pamumuhay para sa kanilang pamilya at komunidad.

Binigyang-diin ng mga otoridad na ang operasyon ay hindi labanan at puro impormasyon lamang, upang labanan ang maling impormasyon at maiwasan ang anumang panganib sa sibilyan. Ayon sa gobyerno, patuloy itong katuwang ng mamamayan, nakatuon sa proteksyon ng komunidad habang isinusulong ang kapayapaan, kaayusan, at respeto sa buhay.

Nanawagan ang mga awtoridad sa publiko na manatiling kalmado, maingat, at nagkakaisa laban sa maling impormasyon. Ayon sa kanila, ang tunay na kapayapaan ay nakakamit hindi sa pamamagitan ng takot, kundi sa pagtutulungan, pang-unawa, at tiwala sa pagitan ng komunidad at gobyerno.

Sa sama-samang pagkilos, inaasahang mas magiging ligtas at mapayapa ang Maguindanao.