Isang lindol na may lakas na Magnitude 5.3 ang yumanig sa ilang bahagi ng Mindanao bandang alas-3:00 ng madaling araw nitong Enero 20, 2026, ayon sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Batay sa datos, ang lindol ay may lalim na 10 kilometro at ang epicenter nito ay matatagpuan sa 43 kilometro timog-kanluran ng bayan ng Kalamansig, Sultan Kudarat.
Naitala ang Intensity IV sa Kalamansig, Sultan Kudarat. Samantala, Intensity III naman ang naramdaman sa Kiamba at Maitum sa Sarangani; Santo Niño, T’boli, Norala, Surallah at Tupi sa South Cotabato; at Isulan, Sultan Kudarat.
Nakaranas ng Intensity II ang mga lugar ng M’lang sa Cotabato; Digos City sa Davao del Sur; Maasim, Malungon at Alabel sa Sarangani; Tampakan, Tantangan at Banga sa South Cotabato; at Bagumbayan at Esperanza sa Sultan Kudarat. Samantala, Intensity I ang naitala sa Sta. Maria sa Davao Occidental; Malapatan sa Sarangani; Columbio sa Sultan Kudarat; at Zamboanga City.

















