Patuloy ang isinasagawang search and rescue operation ng mga awtoridad sa Davao Gulf ngayong Martes, Enero 20, matapos iulat ang pagkawala ng isang motor banca na may sakay na 15 katao habang naglalayag sa karagatan ng Davao Occidental noong Lunes, Enero 19.

Ayon sa Philippine Coast Guard Station Davao Occidental, ang nawawalang motor banca na kinilalang “Amejara” ay huling namataan sa karagatan ng Sarangani, Davao Occidental. Sakay ng bangka ang 11 pasahero at 4 na tripulante nang mangyari ang insidente.

Bilang tugon, naglabas ng abiso ang Philippine Coast Guard sa mga barko, sasakyang pandagat, at mangingisda sa Davao Gulf, partikular sa mga baybayin ng Malita, Sta. Maria, at Don Marcelino, kabilang ang Balut Island, Sarangani Island, Jose Abad Santos, North Jose Abad Santos, at maging sa karagatan ng Governor Generoso, Davao Oriental, upang maging mapagmatyag at agad mag-ulat kung may mapansing kahina-hinalang sitwasyon o bangka.

Sa pinakahuling ulat, natagpuang ligtas ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard ang isa sa mga sakay ng motor banca Amejara. Kinilala ang nailigtas na pasahero na si Christopher Tecson Bulig.

Gayunman, patuloy pa rin ang search and rescue operation para sa 14 pang nawawalang sakay ng bangka. Wala pa ring inilalabas na karagdagang detalye ang mga awtoridad habang nagpapatuloy ang masinsinang paghahanap at monitoring sa nasabing lugar.

SOURCE: Star FM Davao