Nasakote ng pinagsanib na puwersa ng kapulisan ang isang lalaking itinuturing na top most wanted sa kasong murder matapos isilbi ang warrant of arrest sa KM 21, Barangay Kibucay, Upi, Maguindanao del Norte kahapon, Enero 19, 2026.

Ayon sa mga awtoridad, nagtangka pang tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo nang mamataan ang mga operatiba, dahilan upang maganap ang isang maikling habulan na nauwi sa aksidente bago siya tuluyang maaresto.

Isinagawa ang pag-aresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court Branch 14 sa Cotabato City kaugnay ng kasong murder na walang inirekomendang piyansa.

Matapos ang pagkakadakip, ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatang konstitusyonal at agad siyang dinala sa himpilan ng pulisya para sa dokumentasyon at wastong proseso.

Ang naisilbing warrant of arrest ay ihaharap sa korte para sa kaukulang aksyon at pagpapatuloy ng pagdinig sa kaso.