Opisyal nang inilunsad ng bagong PPOP group na WRIVE ang kanilang kauna-unahang digital album na pinamagatang “WRIVE: Unang Hakbang” sa isang mall sa Quezon City nitong Sabado, Enero 17.
Ang grupong binubuo nina Asi, Russu, Drei, Ishiro at Mathew ay dating trainees mula sa defunct survival show na Dream Maker bago tuluyang mabuo bilang isang idol group.
Pinakilig at pinasaya ng WRIVE ang kanilang bagong tatag na fandom na tinatawag na “Arrows” matapos itanghal ang kanilang mga awitin na “Hakbang,” “Panaginip na Lang,” “PanoKung,” pati na rin ang nauna nang inilabas na “Señorita” at “Ooh La La.”
Naging tampok din sa album showcase ang mga special performances nina TNT champion Reiven Umali, Khimo, Misha at Dream Maker alumni na si Prince Keino na nagbigay dagdag sigla sa programa.
Matapos ang launch event ay agad itong sinundan ng media conference at meet-and-greet ng grupo kasama ang kanilang mga tagahanga.
Inaasahang ilalabas sa loob ng linggong ito ang kauna-unahang music video ng “Hakbang” na siyang carrier single ng kanilang debut album.
Nagpasalamat naman ang WRIVE sa patuloy na suporta at pagmamahal ng kanilang fandom na Arrows na anila’y nagsisilbing inspirasyon sa kanilang pagsisimula bilang bagong PPOP idols ng bansa.
















