Magsisilbi bilang Plebiscite Committee o Board of Election Inspectors ang mga miyembro ng kapulisan sa gaganaping plebesito sa Sultan Kudarat sa lalawigan ng Maguindanao del Norte na gagawin sa Setyembre 7.

Sa panayam kay Maguindanao Provincial Election Supervisor Atty. Mohammad Mutia, alinsunod ang pagsisilbi sa inilabas na Comelec En Banc Resolution Number 11034.

Mas minabuti na ng komisyon at ng en banc na pulisya ang pagsilbihin bilang Committee o BEI upang masiguro ang kapayapaan, ang kapani-paniwala at malinis na resulta ng plebesito.

Ang mga pulis na kukunin bilang miyembro ng komite ay magmumula sa labas ng rehiyon upang maiwasan ang pagiging pamilyar at masigurong wala itong magiging interes sa anumang resulta ng magiging plebesito.