Iniligtas ng Philippine National Police (PNP), sa pamumuno ni Acting Chief PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr., ang isang bagong panganak na sanggol na babae na iniwan sa loob ng eco bag sa Gutianoy Street, Brgy. Kamputhaw, Cebu City, noong umaga ng Enero 20, 2026.
Bandang alas-9:30 ng umaga, nakatanggap ang on-duty investigator ng Western Cebu Police District ng tawag mula sa GAD Focal ng Barangay Kamputhaw tungkol sa natagpuang sanggol. Agad namang rumesponde sina Pat James Gavas at Pat Gretch Lyrr Floteña ng Cebu City Mobile Force Company.
Pagdating sa lugar, napansin nila ang paggalaw ng sanggol sa loob ng green eco bag malapit sa tambakan ng basura. Agad nilang kinuha ang sanggol at dinala sa isang ospital sa Barangay Sambag 2, Cebu City para mabigyan ng agarang medikal na atensyon.
Ani PLTGEN Nartatez Jr., “This incident reminds us that the protection of life remains a fundamental duty of the police. Responsibilidad ng kapulisan na pangalagaan ang buhay, lalo na ang mga sanggol na walang kakayahang ipagtanggol ang kanilang sarili.”
Ayon sa kanya, ang mabilis na pagtugon ng PNP at ng mga rumespondeng pulis ay bahagi ng PNP Focused Agenda, partikular sa Active Community Support, na naglalayong palakasin ang ugnayan ng pulis at komunidad at tiyakin ang agarang tulong sa oras ng pangangailangan.
Dagdag pa ni PLTGEN Nartatez Jr., “Our police officers are trained to respond decisively when human life is involved. Ang bawat kilos ng pulis ay dapat nakatuon sa pag-iingat ng buhay at sa pagtupad sa tiwalang ibinibigay ng taumbayan.”
Sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., patuloy na ipinapakita ng PNP ang dedikasyon sa publiko at sa kanilang misyon ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman.” Ang insidenteng ito ay patunay ng kahandaan at malasakit ng PNP sa bawat miyembro ng komunidad.

















