Matagumpay na na-dismantle ang isang drug den at naaresto ang tagapangalaga nito kasama ang tatlong kaanib sa Barangay Digal, Buluan, Maguindanao del Norte noong Enero 22, 2026, matapos ang isang buy-bust operation na isinagawa ng magkakasanib na pwersa ng kapulisan at PDEA.

Pinangunahan ang operasyon ng PDEA Maguindanao del Sur Provincial Office na sinuportahan ng PDEA Maguindanao del Norte, Regional Intelligence Section, Regional Special Enforcement Team, Land Transportation and Interdiction Unit, PDEU MDS/4th Platoon, 2nd PMFC; 21st Mechanized Company, 2nd Mechanized Battalion; 3MP 2nd PMFC PPO; at Buluan Municipal Police Station.

Sa operasyon, nakumpiska ang sampung (10) heat-sealed na plastic sachets na umano’y naglalaman ng shabu na may kabuuang timbang na anim (6) gramo at tinatayang halaga na Php 40,800. Nakuha rin ang isang mobile phone, buy-bust money, iba’t ibang gamit sa droga, at isang identification card.

Ang pangunahing suspek na si Alias “Rex,” 43 anyos, ay inaresto dahil sa pagmamay-ari ng drug den. Kasama niya sa pagkakaaresto sina Alias “Talib,” 31; Alias “Kongking,” 32; at Alias “Ogie,” 25, lahat residente ng Barangay Digal, Buluan, Maguindanao del Sur.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng PDEA BARMM Jail Facility ang mga suspek habang naghihintay ng inquest proceedings sa ilalim ng Republic Act No. 9165 o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.