Limang Chinese nationals ang naaresto ng CIDG matapos magsagawa ng search operation sa isang warehouse sa Golden Sun 999 Business Park, Brgy. San Pablo Libutad, San Simon, Pampanga noong Enero 19, 2026 mula 10:30 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon.

Ayon sa ulat, nasamsam mula sa nasabing lugar ang 3,052 kahon ng chocolate milk drinks at 1,124 kaso ng energy drinks na may kabuuang halaga na tinatayang P1,619,040. Ang mga produktong ito ay hindi rehistrado sa Food and Drug Administration (FDA), kaya itinuturing na ipinagbabawal sa ilalim ng Section 11 (a) ng Republic Act No. 3720 at Section 10 (a) ng Republic Act 9711 o Food and Drug Administration Act of 2009.

Kinilala ang mga naarestong Chinese nationals bilang si “Fang” (babae), at sina “Xiong,” “Xiang,” “Zhang,” at “Ze,” lahat ay empleyado at residente ng warehouse. Wala rin silang maipakitang valid na dokumento tulad ng passport o visa upang patunayan ang kanilang legal na pananatili sa bansa.

Binigyang-diin ni CIDG Director PMGEN Robert AA Morico II na layunin ng RA 9711 na protektahan ang kalusugan ng publiko at tiyakin ang kalidad at kaligtasan ng mga produktong pagkain at inumin. Dahil dito, ipinagbabawal ang paggawa, pag-aangkat, bentahan, at distribusyon ng mga produktong hindi aprubado ng ahensya.

Pinuri ng CIDG ang liderato nina PCOL Grant A. Gollod, Regional Chief ng CIDG Regional Field Unit 3, at PLTCOL Marlon M. Cudal, hepe ng CIDG Pampanga Provincial Field Unit, sa matagumpay na operasyon. Ayon sa CIDG, ang grupo ay determinado sa pagpapatupad ng batas at walang kompromiso sa paglaban sa ilegal na gawain sa bansa.