Mariing kinondena ng Bangsamoro Parliament Member at MILF-Northwestern Mindanao Front Commander na si Abdullah “Commander Bravo” Macapaar ang pananambang na ikinasawi ng apat na miyembro ng Armed Forces of the Philippines sa Barangay Lininding, Munai, Lanao del Norte noong Enero 23.

Sa kanyang opisyal na pahayag, ipinahayag ni Macapaar ang pakikiramay sa mga naiwang pamilya ng mga nasawing sundalo at iginiit na ang naturang pag-atake ay salungat sa mga aral ng Islam at hindi kailanman dapat palusutin.

Ayon pa sa kanya, ang mga biktima ay hindi sangkot sa anumang operasyong militar sa oras ng insidente, kaya’t mariin niyang tinuligsa ang karahasang ginawa laban sa kanila.

Nanawagan din si Commander Bravo sa pamahalaan na gamitin ang buong lakas ng batas upang mapanagot ang mga responsable sa krimen, kasabay ng panawagan sa mga miyembro ng MILF at sa mga komunidad na makipagtulungan sa mga awtoridad upang mapabilis ang imbestigasyon.

Hinimok rin niya ang publiko na manatiling kalmado at huwag hayaang masira ang usaping pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng MILF dahil sa insidenteng ito, at iginiit na nananatiling matatag ang kanilang suporta sa peace process at sa layuning makamit ang pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon.