Naghain ng isang resolusyon sa Bangsamoro Parliament si MP Abdulbasit R. Benito nitong Enero 26, 2026, na humihimok sa Kongreso ng Pilipinas na magpasa ng batas upang palitan ang pangalan ng Probinsya ng Maguindanao del Sur at kilalanin ito bilang Lalawigan ng Buayan.
Ayon sa resolusyon, nakabatay ang panukala sa makasaysayang tala at mga akda ng mga kilalang historian na kumikilala sa Sultanato ng Buayan bilang pangunahing kapangyarihang pampulitika noon sa Sa-raya o Upper Pulangi Valley, isang teritoryo na halos katumbas ng kasalukuyang sakop ng Maguindanao del Sur. Ipinapakita rin sa dokumento na ang nasabing sultanato ay may malawak na impluwensya, mula sa mga latian ng Liguasan hanggang sa Sarangani Bay, na ginamit bilang estratehikong daanan para sa kalakalan at ugnayang panlabas noong panahon ng kolonisasyon ng Espanya.
Sa pamamagitan ng resolusyon, layunin ng mambabatas na mapanatili at mapalakas ang kasaysayan at identidad ng Bangsamoro, pati na rin ang pagpapakita ng respeto sa mga sinaunang teritoryo at pamumuno ng Sultanato ng Buayan. Binibigyang-diin din ng panukala ang kahalagahan ng pagprotekta sa kultura, kasaysayan, at pamana ng rehiyon bilang pundasyon sa mas inklusibo at makasaysayang patakarang pambansa.

















