Pinangunahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at United States Indo-Pacific Command (USINDOPACOM) ang kauna-unahang PH–US Maritime Cooperative Activity (MCA) para sa taong 2026 nitong Enero 25–26 sa Bajo de Masinloc, bahagi ng West Philippine Sea (WPS). Ito rin ang ika-11 na PH–US Bilateral Maritime Cooperative Activity.

Itinampok sa aktibidad ang matibay na alyansa ng AFP at US forces at pinagtibay ang kanilang pangakong palakasin ang seguridad sa karagatan, pagbutihin ang interoperability sa operasyon, at igalang ang rules-based international order sa rehiyon ng Indo-Pacific.

Para sa aktibidad, nag-deploy ang AFP ng BRP Antonio Luna (FF151), FA-50 at A-29 Super Tucano ng Philippine Air Force, at isang AW109 helicopter, habang ang Philippine Coast Guard ay nagpadala ng BRP Gabriela Silang (OPV 8301). Samantala, nag-deploy naman ang USINDOPACOM ng USS John Finn (DDG 113) at isang MH-60R Seahawk helicopter.

Isinagawa ng mga yunit ang magkakasanib na naval at air operations tulad ng Replenishment at Sea (RAS) Stationing, Replenishment-at-Sea Approach (RASAP), Surface Warfare Exercise (SUWEX), Night Steaming in Company (NSIC), Photo Exercise (PHOTOEX), at Passing Exercise (PASSEX).

Ayon sa AFP, ang matagumpay na pagsasagawa ng mga aktibidad na ito ay nagpatibay sa koordinasyon, taktikal na kahusayan, at mutual understanding ng magkakatuwang na pwersa, na higit pang nagpapalakas ng kanilang kahandaan upang tugunan ang hamon sa maritime security at makapag-ambag sa kapayapaan at katatagan sa rehiyon.