Matagumpay na naabot ang kasunduan sa pagitan ng Mairindo Family at Bantas/Macabago Family sa bayan ng Parang, Maguindanao del Norte noong Sabado, Enero 24, 2026, matapos ang ilang taon ng alitan o rido. Ang peace mediation ay isinagawa sa Iranun Palace ng Parang Municipal Hall sa Barangay Poblacion 1.
Pinangunahan ng lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Cahar P. Ibay ang mediation, na sinuportahan ng Philippine National Police, Philippine Marines, Community Affairs ng Parang, at ilang religious leaders bilang tagapamagitan. Nagbigay ng seguridad ang Parang Municipal Police Station upang matiyak ang kaayusan ng aktibidad.
Sa pagtatapos ng mediation, pumayag ang magkabilang panig na lagdaan ang isang peace pact na naglalayong wakasan ang kanilang dating hidwaan. Ayon sa mga awtoridad, ang hakbang na ito ay bahagi ng mga pagsisikap na maayos ang tensyon sa komunidad at maiwasan ang mga karahasan kaugnay ng rido sa hinaharap.

















