Nagkaroon ng sagupaan ang mga puwersa ng Armed Forces of the Philippines at mga hinihinalang kasapi ng Dawlah Islamiya–Maute Group sa Sitio Lumaog, Barangay Udalo, bayan ng Piagapo, Lanao del Sur noong Enero 28, habang nagsasagawa ng pinaigting na operasyon ang militar sa lugar.
Batay sa ulat ng 1st Infantry “Tabak” Division, Philippine Army, nagkaroon ng aktwal na engkwentro matapos makontak ng mga tauhan ng 41st Mechanized Company ng 4th Mechanized Infantry Battalion ang grupo ng mga armado. Matapos ang maikling palitan ng putok, umatras ang mga hinihinalang terorista at walang naiulat na nasugatan o nasawi sa panig ng tropa ng pamahalaan.
Sa isinagawang clearing operation matapos ang sagupaan, nasamsam ng militar ang isang M14 rifle, limang backpack, at iba pang personal na kagamitan na pinaniniwalaang iniwan ng mga tumakas na armado.
Bahagi ang nasabing operasyon ng patuloy na pagtugis ng 1st Infantry Division sa mga armadong grupo sa rehiyon, kasunod ng mga naitalang pag-atake laban sa mga pwersa ng pamahalaan sa ilang bahagi ng Lanao.
Tiniyak ng militar na patuloy ang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan at komunidad upang mapanatili ang kaligtasan ng mga sibilyan habang nagpapatuloy ang operasyon laban sa mga banta sa kapayapaan at seguridad.
SOURCE: 1st Infantry “Tabak” Division, Philippine Army

















