Arestado ang apat na lalaki at nakumpiska ang mahigit P3.1 milyon na halaga ng ilegal na sigarilyo sa isang operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Barangay Camanga, Tukuran, Zamboanga del Sur.
Ayon sa ulat, isinagawa ang operasyon mula 1:05 AM hanggang 3:00 AM ng CIDG Regional Field Unit 9, katuwang ang CIDG Zamboanga del Sur Provincial Field Unit at Zamboanga del Sur Provincial Intelligence Team–Regional Intelligence Unit 9, sa koordinasyon ng mga lokal na pulisya. Nahuli ang mga suspek habang binubuhat ang mga sigarilyo mula sa dalawang sasakyan na nakatakdang ipagbenta.
Ang mga na-confiscate na produkto ay kinabibilangan ng 50 master cases at 450 reams ng Fort, Berlin, at Cannon brands na sigarilyo. Wala itong required na graphic health warnings, na isang paglabag sa batas.
Ang mga naarestong suspek ay kinilalang sina “Ron,” “Rod,” “Jino,” at “Jay”, mga residente ng Pagadian City at lahat ay nasa legal na edad.
Binigyang-diin ni CIDG Director PMGEN Robert AA Morico II na sa ilalim ng Republic Act No. 10643 o Graphic Health Warnings Law, layunin ng estado na protektahan ang kalusugan ng publiko at maiwasan ang mapanlinlang na kalakalan ng substandard na produkto ng tabako. Ayon sa batas, mas epektibo ang graphic warnings kaysa text warnings sa pagpapakita ng panganib ng paninigarilyo.
Pinuri ng CIDG leadership ang matagumpay na operasyon na pinangunahan nina PCOL Rosell DM Encarnacion, Regional Chief ng CIDG RFU 9, PMAJ Joseph N. Severino, Chief ng Regional Special Operating Team, at PLTCOL Allen M. Alcido, CIDG Zamboanga del Sur Provincial Field Unit.
Tiniyak ng CIDG sa publiko ang kanilang matatag na pagpapatupad ng batas at walang habas sa mga lumalabag. Hinimok din nila ang lahat na i-report ang mga smuggled at ilegal na produktong tabako sa kanilang lugar, at asahan ang agarang aksyon ng CIDG.

















