Mariing binatikos ni ML Party-list Rep. Leila de Lima ang naging desisyon ng Korte Suprema kaugnay ng usapin ng impeachment laban kay Bise Presidente Sara Duterte. Ayon kay De Lima, pinahina umano ng naturang ruling ang prinsipyo ng separation of powers, kahit pa kinilala ng Korte na hindi nito inaabsuwelto ang Bise Presidente at nananatiling posible ang paghahain ng impeachment case laban sa kanya.

Ipinaliwanag ni De Lima na teknikal lamang ang naging batayan ng desisyon at hindi tinutukan ang mismong laman o bigat ng mga paratang. Dahil dito, maaari pa ring magsumite ng panibagong impeachment complaint kahit pareho ang mga batayan.

Gayunman, iginiit ni De Lima na ang muling pagbibigay-kahulugan ng Korte Suprema sa tinatawag na “impeachment initiation” at ang pagtrato sa legislative inaction bilang isang legal na aksyon ay anyo umano ng judicial overreach na lumalabag sa kapangyarihan at awtoridad ng Kamara.

Dagdag pa niya, nagtakda ang naturang desisyon ng isang mapanganib na precedent na nagbabago sa impeachment mula sa pagiging isang political safeguard tungo sa isang prosesong kontrolado ng hudikatura na aniya’y salungat sa diwa ng Konstitusyon.