Nasakote ng Police Station 3 ang isang binatilyo matapos itong makumpiskahan ng mga matataas na kalibre ng armas sa bahagi ng Crossing Bubong Checkpoint, Mother Barangay Tamontaka, Cotabato City kaninang alasdos ng madaling araw.
Kinilala ni Police Station 3 Commander Police Captain Rustan Deaño ang nahuling suspetsado na si Kusain Lucman Guiabal, 23-anyos, estudyante, habang ang dalawa pa nitong kasama na nakatakas ay sina alyas Japloy at Edin Kaludzak, pawang mga nasa hustong gulang at mga taga Barangay Pagatin, Datu Salibo, Maguindanao del Sur.
Sa impormasyong nakalap ng Star FM Cotabato, habang nag sasagawa ang mga kapulisan ng checkpoint sa lugar ay napadaan ang isang kulay silver minivan kung saan sakay ang tatlong suspek.
Habang nag sasagawa ng iniinspeksyon, nagawa pang tumakbo ng mga suspek papalayo mula sa kanilang sasakyan ngunit kalaunan ay nahuli ang estudyanteng si Guiabal habang nakatakas naman ang dalawa.
Kumpiskado sa loob ng sasakyan ang dalawang (2) unit ng Heckler and Koch’s MP5 9mm sub-machine gun, isang (1) Bushmaster Lower Receiver Stripped, Bushmaster Upper Receiver Stripped, apat(4) na safety lever at apat na hammer strings.
Ang mga kumpiskadong ebidensya ay nasa pangangalaga ng Police Station 3 habang ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591.
Mag pasa-hanggang ngayon ay patuloy pa ring pinaghahanap ng mga kapulisan ang dalawang kasamahan ni Guiabal.