Nababahala si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa posibleng epekto ng mga isinampang impeachment complaint laban sa kanya, hindi para sa sarili kundi para sa kapakanan ng bansa at ekonomiya, ayon sa Malacañang.
Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro, may malawak na implikasyon ang pagsasampa ng impeachment complaint at maaaring makaapekto hindi lamang sa liderato ng Pangulo kundi pati na rin sa kalagayan ng ekonomiya.
Binigyang-diin ni Castro na nananatiling kumpiyansa ang Pangulo na wala siyang ginawang mali, hindi nilabag ang batas, at walang nagawang impeachable offense.
Gayunpaman, ikinababahala ni Marcos Jr. ang posibleng epekto ng proseso sa tiwala ng publiko at sa takbo ng ekonomiya ng bansa.
Nanindigan naman ang Malacañang na wala silang kinalaman sa pagsasampa ng dalawang impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni Castro na nasa kamay na ng Kongreso ang pagbusisi at pagdedesisyon sa mga kasong ito laban sa pangalawang Pangulo.
Dagdag pa niya, halos wala namang bago sa dalawang kasong isinampa laban sa Bise Presidente; kung meron man, aniya, ay limitado lamang.

















