Agad na naagapan ng tropa ng pamahalaan ang tensyon sa dalawang lider ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at ‘di na kumalat pa ang gulo matapos na mamagitan ang kasundaluhan, pulisya at Coordinating Committee on Cessation of Hostilities (MILF-CCCH) sa Brgy Lumitan, Palimbang, Sultan Kudarat nitong ika-15 ng Agosto taong kasalukuyan.
Ito ang inihayag ni Brigadier General Michael A Santos, Commander ng 603rd Brigade makaraang sumiklab ang labanan sa pagitan nina Esmael Mike Binago alyas Bonde ang namumuno sa 13th Biwang Brigade ng MILF at Abu Abdullah, ang kumander naman ng 104th Brigade ng nabanggit na organisasyon dahil sa isyu ng land conflict.
Sa isang diyalogo na ipinatawag ni Hon. Joenime Badrudin Kapina, alkalde ng Palimbang, Sultan Kudarat kasama si Brig. Gen. Santos, pulisya, MILF-CCCH at iba pang sangay ng pamahalaan na nakatutok sa panseguridad, napagkasunduan na iharap ang mga armadong kalalakihan at ibababa ang bitbit nilang mga kagamitang pandigma, upang matuldukan na ang gulo sa lugar.
Kabilang sa kanilang mga isinuko ay ang mga sumusunod: isang Heavy Machine Gun Cal.50mm Rifle; labindalawang mga M14 Rifles (7 with scope); siyam na M16A1 Rifles; limang mga M4 Carbine Rifles; siyam na RPG Launcher; apat na Cal.50 Barret (Big); tatlong Cal .50 Barret (small); dalawang mga M653 Rifles; dalawang Cal .30mm Garand Rifles; isang Carbine Cal.30mm Rifle; isang M16A1 Rifle; isang Upper Receiver ng M16A1; isang Ultimax; isang Tube 60mm Mortar, mga iba’tibang uri ng bala, mga magazin at dalawang Blasting Cap.
Kasama sa pagpresenta ng 53 na baril ay ang pagsuko ng 48 na mga tauhan ni Binago ng 13th Biwang Brigade ng MILF sa mga units ng 37IB, 1st Scout Ranger Battalion at 64th Division Reconnaisance Company (64DRC). Ito ay nagresulta sa paghupa ng gulo at pag-uwi ng mga nagsisilikas na residente sa kani-kanilang tahanan.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni Major General Antonio G. Nafarrete, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central na nakahanda ang tropa ng militar na protektahan ang mga mamamayan laban sa mga grupong nais sirain ang katahimikan sa kanilang komunidad. “Anumang hidwaan ay kayang masolusyunan kung ang dalawang panig ay magkakasundo sa usapang pangkapayapaan. Umaasa ako na uusad ang katahimikan at kapayapaan sa ating lugar”, paglalahad pa ng Division Commander.