Naghain ngayong araw ang grupong League of Bangsamoro Organizations sa Korte Suprema sa Maynila ng Petition for Certiorari and Mandamus upang kwestyunin ang pagkakatalaga ng pitong indibidwal bilang bahagi ng Bangsamoro Transition Authority (BTA).

Kasabay ng paghahain ng petisyon, nagsagawa rin ng demonstrasyon ang ilang miyembro ng grupo, na karamihan ay kabilang sa komunidad ng Muslim. Kalakip sa petisyon ang kahilingan na ideklara ng Korte Suprema bilang ‘unconstitutional’ ang pitong appointees.

Ayon kay Atty. Badrudin Mangindra, legal counsel ng petitioners, mahalaga ang usaping ito upang linawin ang papel ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa BTA, dahil ayon sa grupo, dapat ay mayorya ang MILF sa parlamento ngunit sa kasalukuyan ay hindi ito naaabot.

Sa kanilang petisyon, hinihiling din ng grupo ang mandamus upang atasan ang pangulo na linawin o ituwid ang isyung ito. Binigyang-diin ng grupo na ang kanilang aksyon ay hindi pulitikal, kundi upang ipagtanggol ang integridad ng Bangsamoro Transition.

Sa huli, ipinauubaya ng grupo sa Kataas-taasang Hukuman ang pagbibigay kaliwanagan sa limitasyon ng appointing power sa transitional government.