Huli sa ikinasang drug operation ang isang Moro Islamic Liberation Front o MILF platoon commander matapos masangkot sa iligal na droga sa bahagi ng Brgy. Montay at Brgy. Ambadao, Datu Piang, lalawigan ng Maguindanao Del Sur.
Kinilala ng PDEA-Maguindanao Unit ang MILF platoon commander na si Dido Akad Lampay, pamilyado, at residente ng Brgy. Montay.
Kumpiskado kay Dido ang labing pitong (17) silyadong pakete ng shabu na may kabuuang halaga na ₱510,000.
Bukod sa shabu, kumpiskado din ng mga otoridad ang mga armas na pag-aari ni Dido at ang kasamahan nito na si alias “Markay” na nakatakas matapos matunungan ang presensya ng mga otoridad. Narekober sa operasyon ang buybust money, drug paraphernalia, isang (1) M60 rifle, isang (1) unit ng BAR, magazine, at samu’t saring live ammunition.
Sa magkahiwalay na operasyon ng pinagsanib pwersa PDEA-BARMM Drug Enforcement Officers, National Intelligence Coordinating Agency (NICA) BARMM, NBI BARMM, Philippine Army, at PNP, nahuwag ang isang drug den at arestado apat (4) na katao sa Brgy. Ambadao, Datu Piang, Maguindanao del Sur.
Kinilala ng mga otoridad ang nasakote na sina alias “Dido”, isang drug den maintainer, alias “Jojo”, alias “Anton”, and alias “Jerry” na pawang mga residente ng Brgy. Ambadao.
Kumpiskado sa mga drug suspek ang labing pitong (17) silyadong pakete ng shabu na may kabuuang halaga ng ₱516,800, buy-bust money, samu’t saring drug paraphernalia, dalawang (2) unit ng mobile phone, at limang (5) piraso ng notebook na naglalaman ng mga transaksyon, putol na piraso ng plastic teabag at identification card.
Sa ngayon, himas-rehas sa pasilidad ng PDEA ang mga nasakote at kakasuhan sa ilalim ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.