Matagumpay na dinismantle ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 9 (PDEA RO 9) sa pangunguna ng kanilang Zamboanga Sibugay Provincial Office ang isang drug den sa Purok Jupiter, Brgy. Bangkerohan, Ipil, noong 10 Pebrero 2026.
Apat (4) katao, na tinaguriang high-value targets, ang naaresto sa operasyon, habang nakumpiska ang humigit-kumulang 25 gramo ng hinihinalang methamphetamine hydrochloride o “shabu” na may tinatayang halaga na PHP170,000.00.
Ang operasyon ay isinagawa bilang bahagi ng koordinadong implementasyon ng search warrant ng PDEA RO 9-Zamboanga Sibugay Provincial Office kasama ang PDEU Zamboanga Sibugay, Ipil MDEU, at Naval Intelligence Security Unit 9. Sinaksihan ito ng mga opisyal ng barangay, kinatawan ng media, at mula sa National Prosecution Service upang masiguro ang integridad at bisa ng mga ebidensya.
Sa nasabing operasyon, nakumpiska rin ang mga sumusunod: 19 heat-sealed transparent plastic sachet na may puting crystalline substance na hinihinalang shabu, 2 open-end plastic sachet na may parehong substansya, 1 open-end plastic sachet na may residue ng shabu, at ilang drug paraphernalia.
Ang mga naarestong personalidad ay kinilalang sina “Joel”, “Edgar”, “Ramel”, at “Billy Joe”, lahat residente ng Ipil, Zamboanga Sibugay. Sila ay ihaharap sa inquest proceedings at kakasuhan sa ilalim ng Sections 6, 7, 11, at 12 ng Republic Act No. 9165 o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

















