Naitala ng Protected Area Management Office ng Sarangani Bay Protected Seascape (PAMO-SBPS) ang pagkakita sa isang ina at sanggol na dugong sa baybayin ng Kiamba noong Pebrero 6, 2026 sa isang monitoring activity. Ayon sa ulat, natural ang kilos ng mga hayop, kabilang ang pagpapasuso, na nagpapakita ng malusog na interaksyon at nagpapatibay sa papel ng Sarangani Bay bilang mahalagang lugar para sa panganganak at tirahan ng dugong.

Kinabukasan, Pebrero 7, isang dugong ang natagpuang nakalutang sa baybayin ng General Santos City. Ayon sa ulat ng Bantay Dagat at mga nakakita sa insidente, buhay pa ang dugong nang ito ay maobserbahan. Bagaman walang indikasyon ng pagbubuntis sa unang field assessment, ipinakita ng necropsy sa Marine Wildlife Rescue Center na ang hayop pala ay may dinadala na sanggol.

Ayon sa resident veterinarian ng SBPS, normal ang kalagayan ng mga internal organs ng dugong, at walang anumang banyagang bagay o pagkaing maaaring naging sanhi ng kamatayan nito. Tinatayang may timbang ang dugong na 400–500 kilo at maaaring malapit na sa inaasahang panahon ng panganganak.

“Ang magkakasunod na pangyayaring ito ay nagpapakita ng parehong tagumpay ng mga conservation efforts at ang pangangailangan ng patuloy na pagbabantay,” ayon sa mga opisyal ng SBPS. Ang parehong pagkakita sa ina at sanggol, kasama ang insidente ng stranded dugong, ay nagpapatunay na nananatiling mahalagang habitat ang Sarangani Bay para sa dugong, at binibigyang-diin ang papel ng pamahalaan, lokal na komunidad, at mga partner stakeholders sa patuloy na proteksyon ng kritikal na marine species na ito.

Ang dugongs, na itinuturing na critically endangered ayon sa DAO 2019-09, ay labis na umaasa sa malusog na seagrass ecosystems at bulnerable sa mga banta tulad ng banggaan ng bangka, pagkasira ng tirahan, pagkakapit sa lambat, at polusyon sa dagat. Habang nagbibigay ng pag-asa ang pagkakita sa ina at sanggol, ang pagkawala ng isang buntis na dugong ay nagpapaalala sa kahalagahan ng mas mahigpit na hakbang sa konserbasyon at kamalayan ng publiko.

Pinapaalalahanan ang publiko na tulungan ang proteksyon ng dugong sa pamamagitan ng pananatili sa ligtas na distansya kapag may nakita, pag-iwas sa paghabol o pagpapakain sa marine mammals, pagbawas ng bilis ng bangka sa seagrass at mababaw na baybayin, at wastong pagtatapon ng basura upang maiwasan ang marine pollution. Anumang pagkakita o pag-strand ng dugong ay dapat agad i-report sa PAMO-SBPS o sa kinauukulang lokal na awtoridad.